Hindi pa masasabing dulot ng Omicron variant ang naitatalang pagtaas ngayon ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Guido David ng OCTA Research group na nakita na rin kasi ang ganitong pagtaas ng trend sa kaparehong panahon isang taon bunsod ng kaliwa’t kanang pagtitipon dahil sa holiday season.
Paliwanag ni Dr. David, nangyari rin noong isang taon sa parehong panahon ang pagbaba ng testing output, hindi lamang dahil panahon ng bakasyon at maraming mga saradong laboratoryo kundi nasabayan pa ng bagyo kaya natigil ang mga testing sa ilang lugar sa bansa.
Ani ni David, kailangan munang maghintay ng isang linggo pagsapit ng Enero 2022 upang makita kung babalik ito sa normal level o bababa ulit ang mga kaso.
Pero kapag nagpatuloy aniya ang pagtaas ng kaso sa susunod na taon, kailangan aniyang mag re-assess ng sitwasyon.
Sa ngayon, naniniwala si David na hindi pa kailangang magpatupad ng mas mahigpit na restrictions bagkus kailangan lamang sundin ang minimum public health protocols at magpabakuna ang mga hindi pa bakunado.