Nasawi ang isang dalagita habang sugatan naman ang kaniyang lola at dalawang kapatid makaraang gumuho ang kanilang bahay na nakatayo sa sapa sa Barangay Obrero, Quezon City.
Kuwento ng may-ari na si Sonny Macabagdal, nasa labas siya ng tirahan nang makarinig ng malakas na tunog pasado alas-2 ng hapon nitong Lunes.
Bagaman hindi umuulan nang mangyari ang pagguho, naging pahirapan pa rin ang pagsalba sa kaniyang 79-anyos na ina at tatlong anak na naiwan sa loob.
Kaagad silang isinugod sa East Avenue Medical Center pero binawian ng buhay kinalaunan ang 13-anyos na si Jessalyn.
Katatapos lamang magdiwang ng kaarawan ng yumaong dalagita noong Huwebes, Mayo 21.
Natusok ng bubog ang likurang bahagi ng biktima at nababad din ng matagal sa tubig ang kaniyang ulo.
Dalawang dekada nang naninirahan sa naturang lugar ang pamilya Macabagdal. Mismong si Sonny daw ang gumawa ng kanilang tirahan na kongreto ang biga.
Nakatakda sana silang i-relocate ng National Housing Authority subalit naudlot ito bunsod ng pandemya.
Base sa paunang imbestigasyon, posible raw na mahina na ang pundasyon nito kaya bumagsak.
Nangako naman ang lokal na gobyerno na sasagutin ang pagpapalibing at magbibigay din ng tulong pinansyal sa mga biktima.