BAHAY NA PINAGMULAN NG PAGSABOG SA BRGY. BACAYAO NORTE NOONG PASKO, KUMPIRMADONG ILEGAL NA PAGAWAAN NG PAPUTOK

Binulabog ng isang pagsabog ang kasagsagan ng pagdiriwang ng pasko sa Sitio Boquig, Bacayao Norte sa lungsod ng Dagupan noong mismong araw ng Pasko , pasado alas otso ng gabi.

Sa lakas ng pagsabog, ilang mga kalapit na bahay ang napinsala kabilang ang bahay na tabi mismo ng pinangyarihan ng insidente.

Kinumpirma ng mga awtoridad, na nagsisilbing iligal na pagawaan at imbakan ng paputok ang naturang bahay kung saan kinumpirma na dalawa ang nasawi, kabilang ang isang batang babae at isang lalaki habang labing tatlo katao naman ang sugatan base sa naging ulat ng Bureau of Fire Protection.

Ayon naman kay DCPO Chief Police Colonel Orly Pagaduan sa isang pahayag, lumabas sa paunang imbestigasyon na wala umanong kaukulang permit ang pagawaan ng paputok.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga responsable at kung may iba pang paglabag sa batas na naganap.

Samantala, pansamantalang isinara ang lugar ng insidente dahil sa patuloy na clearing operations at banta ng posibleng karagdagang panganib.

Muling namang nagpaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) Dagupan sa publiko na iwasan ang paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok, tiyaking legal at rehistrado ang anumang negosyong may kinalaman sa paputok, at unahin ang kaligtasan upang maiwasan ang mga katulad na trahedya.

Facebook Comments