Bahay ng Isang Tsuper, Nasamsaman ng mga baril, bala at iligal na droga, suspek-arestado!

*Cauayan City, Isabela- *Arestado ang isang tricycle driver makaraang masamsaman ng mga baril, bala at iligal na droga sa kanyang bahay sa isinilbing Search Warrant ng mga otoridad sa San Lorenzo Subdivision, Marabulig 1, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang naaresto na si Marcel Mauricio, 33 anyos, habang pinaghahanap pa ng mga otoridad ang pinsan nito na si Edgardine Justo alyas Samson na kapwa residente ng nabanggit na lugar.

Isinilbi ang Search Warrant na ipinalabas ni hukom Reymundo L Aumentado ng RTC Cauayan City, Isabela kung saan nakumpiska ng mga otoridad sa kwarto ni Justo ang isang transparent sachet ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, apat na sachet ng hinihinalang shabu, isang Caliber 5.56mm, 10 pirasong bala ng 5.56mm, 6 piraso ng bala ng Caliber 38, isang lighter, mga aluminum foil, isang belt bag at isang pakete ng sigarilyo.


Nasa kustodiya na ng PNP Cauayan City si Mauricio habang patuloy namang tinutugis si Justo na umano’y sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga dito sa Lungsod ng Cauayan.

Inihahanda naman ng PNP ang mga kasong isasampa laban sa dalawang suspek.

Facebook Comments