Bahay ng suspect COVID-19 patient, kinandado ng 5 barangay officials

Arestado ang limang opisyal ng barangay matapos ikulong ang isang mister na suspect COVID-19 patient sa sarili nitong bahay kasama ang pamilya sa Sampaloc, Maynila noong Biyernes.

Ayon kay Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) chief P/Major Rosalino Ibay, may dumulog sa kanilang tanggapan tungkol sa sitwasyon ng biktima na isang frontliner na naghahain ng pagkain sa dialysis patients.

Katuwang ang SMaRT, dinakip ng Sampaloc Police Station sina Bobby Biason, Marvin Simbahan, parehong barangay kagawad; barangay executive officer Ferdinand Gatdula; tanod Epifanio Rempis at Jesus Dela Cruz.


Batay kay Ibay, hinarangan ng mga suspek ng kahoy at metal wire ang pintuan ng biktima noong Miyerkules matapos malaman na binabantayanan ang mister sa posibleng impeksyon ng coronavirus.

Kasamang nakulong sa loob ng bahay ang misis ng biktima, at apat na anak na may edad 3, 10, 12 at 16.

Bago ang insidente, sumailalim na sa PCR test ang biktima at napag-alamang nagnegatibo sa COVID-19.

Nagpaalam umano ang mister sa mga opisyal na lalabas ng bahay para makuha ang resulta, ngunit pinagbawalan ito.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-COVID-19 Discrimination Ordinance of 2020, Bayanihan to Heal as One Act, at arbitrary detention.

Kaugnay nito, hinimok ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga opisyal ng barangay na alamin ang tamang paraan sa pagresponde sa kaso ng COVID-19 sa kanilang nasasakupan.

Ani Moreno, ang mga opisyal dapat ang nangunguna sa pagpapatupad ng ordinansa kontra diskriminasyon sa virus carriers.

Facebook Comments