
Nagpapatuloy ngayong araw ang isinasagawang pagdinig sa Sandiganbayan para makapagpiyansa ang siyam na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – MIMAROPA kaugnay sa kasong may kinalaman sa flood control mess sa Naujuan, Oriental Mindoro.
Kung saan iprinisenta ng prosekyusyon sa 6th Division Court ang pangalawang witness na si Joan Lacerna, Chief ng Records Management Section ng Human Resource Administrative Division ng DPWH Central Office.
Papel ni Lacerna na tukuyin ang mga dokumentong may kaugnayan sa mga akusado na nakasaad naman sa kaniyang judicial affidavit.
Pero bago simulan ang cross-examination ay nagkaroon ng five-minutes recess ang korte matapos na dumepensa ang kampo ng mga akusado dahil sa pagkakadagdag ni Lacerna bilang testigo sa kaso.
Pero pumayag ang korte na kilalanin na maging testigo si Lacerna matapos na ikonsidera bilang representative ng isa sa mga witnesses na nasa listahan ng pre-trial order.
Samantala, binigyan naman ng korte ang prosekyusyon ng hanggang Lunes na maisapinal ang listahan ng mga tetestigo na haharap sa naturang bail hearing.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang cross-examination sa pagitan ng testigo at mga abogadong kumakatawan sa mga akusado.










