Lanao del Sur – Anim ang patay sa panibagong engkwentro ng grupo ng Maute-ISIS group at ng 49th Infantry Battalion, Philippine Army, madaling araw kahapon, Agosto 6, sa bayan ng Sultam Dumalondong sa Lanao del Sur.
Tatlo nito ay mga miyembro ng Dawlah Islamiya, ang isa ay sundalo habang mga sibilyan ang dalawa na namatay dahil sa cross fire.
Kinilala ni Colonel Romeo Brawner, Jr., deputy commander ng Task Force Ranao, ang dalawang Maute-ISIS na sina Mubarak Manalao at isang nakilala lamang sa alias na Popular.
Ang mga ito aniya ay mga sub-leader ng isang Maute commander na si Owayda Benito Marohomsar alias Abu Dar, na kasama sa pagpaplano ng pag-atake sa Marawi City noong nakaraang taon.
Kasama aniya sina Manalao at alias Popular na nakipag-giyera sa Marawi ngunit nakalabas ang mga ito na sugatan.
Sinabi ni Lieutenant Colonel Edgar Allan Villanueva, commander ng 49th IB, ang isang namatay na terorista ay hindi kilala ng mga tao sa lugar kaya kasama itong ipinalibing ng lokal na pamahalaan ng hindi nakikilala.
Ang isang namatay na sundalo ay hindi pa pinangalanan dahil ipapaalam muna ito sa pamilya sa Luzon.
Ang dalawang sibilyang namatay ay kinuha at inilibing na ng kani-kanilang pamilya.
Ang panibagong engkwentro ay pangatlo na sa lalawigan ngayon taon. Una nito ay noong Enero sa bayan ng Masiu, noong Hunyo sa Tubaran at Pagayawan at Hulyo sa Masiu.