Mahigpit na pinaalalahanan ng Embahada ng Pilipinas sa Libya ang mga Pilipino na maging alerto at mag-ingat kasunod na rin ng kaguluhan at marahas na sagupaan sa Distrito ng Zawiya at kalapit na lugar sa Libya.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) wala silang natatanggap na mga ulat na mga Pilipinong nasaktan matapos sumiklab ang bakbakan ng mga naglalabang pwersa dahil sa agawan sa kapangyarihan sa bansang Libya.
Pinaalalahanan ng Embahada ng Pilipinas ang mga Pinoy sa Libya na manatili muna sa kanilang kinaroroonan o sa mas ligtas na lugar kasunod ng mainit na usaping politikal na nararanasan sa naturang lugar.
Paliwanag ng DFA sa mga Pilipino na nangangailangan ng tulong at emergency situation ay maaring makipag ugmayan sa Embahada ng Pilipinas sa Libya sa kanilang official Facebook page o maaari rin mag email sa tripoli.pe@dfa.gov.ph at tumawag sa 0944541283.
Napag-alaman na sa ngayon ay mahigit 2,000 Pilipino ang nasa Libya na kinabibilangan ng mga nurse at iba pang manggagawa sa ospital, pati na rin ang mga university instructor at mga skilled worker sa oil and gas sector ang nanatiling nasa kani-kanilang mga pinagtatrabahuhan.