Bakbakan sa Pagitan ng Sundalo at NPA, Isang Sundalo Sugatan!

Jones, Isabela- Maaari nang bumalik sa trabaho ang isang sundalo matapos masugatan sa naganap na sagupaan ng 86th Infantry Batallion sa panig ng mga New People’s Army o NPA sa Dicamay 2, Jones, Isabela.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Lieutenant Col. Remigio Dulatre, ang Commanding Officer ng 86th Infantry Batallion sa RMN Cauayan matapos ang naganap na bakbakan sa pagitan ng kanilang tropa at sa mga rebelde.

Ayon kay Lt. Col. Dulatre, nangyari ang sagupaan matapos magsagawa ng Clearing Operation ang kanilang tropa sa lugar ng mga mamamayan na humihingi ng tulong dahil sa ginagawang pangingikil at panggugulo ng mga rebelde sa kanilang lugar.


Aniya, nagtungo upang tumugon ang kanyang tropa sa naturang lugar subalit pinaputukan sila ng mga rebelde kaya’t nagawa namang lumaban ng panig ng kasundaluhan kung saan tumagal ang kanilang bakbakan ng ilang minuto.

Ayon pa kay Lt. Col. Dulatre, maaari umanong mayroon ding nasugatan sa panig ng mga NPA at maaaring may naitalang namatay sa mga ito.

Inihayag pa ni Lt. Col. Dulatre na isa umano sa isinasagawang panghihikaya’t ng mga NPA sa mga mamamayan ay pagpapangako ng mga ito na magbibigay ng suporta sa kanilang mahihikaya’t subalit kung sumapi na ang mga ito ay tatakutin na upang hindi na makaalis sa kanilang grupo.

Bukas lamang umano ang kanilang tropa para sa lahat ng mga susukong kasapi ng NPA at hinimok rin ni Lt. Col. Dulatre ang lahat ng mga rebelde na sumuko at magbago na lamang upang mabalikan na ang kanilang mga naiwang pamilya upang mamuhay na ng normal at mapayapa.

Facebook Comments