Bakuna at iba pang essential medical supplies, pinalilibre sa import duties and taxes

Isinusulong ng iba pang kongresista sa Kamara na ilibre sa import duties at iba pang buwis ang mga bakuna at iba pang essential medical supplies.

Sa House Bill 8375 na inihain ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, pina-eexempt sa pagbabayad ng import duties, taxes at other fees ang mga iniaangkat na critical medical products, essential goods, equipment at supplies lalo na tuwing may public health emergency.

Paliwanag ng kongresista na dating Customs Commissioner, posibleng makaapekto sa availability at accessibility ang mga ipinapataw na duties and taxes sa mga nabanggit na mahahalagang produkto kaya nararapat lamang na i-waive ang mga bayaring ito ng pamahalaan.


Iginiit ni Biazon na handa at bukas dapat ang gobyerno na bitawan ang kikitain dito dahil marami namang buhay ang maililigtas.

Inaatasan din sa panukala ang Bureau of Customs (BOC) na i-liberalize ang proseso para mapadali ang pagpasok sa bansa ng mga critical medical products, essential goods, equipment and supplies upang agarang matugunan ang krisis sa kalusugan.

Maliban sa mga critical medicines, kabilang din sa mga goods at supplies na pinapalibre sa buwis at iba pang bayarin ang Personal Protective Equipment (PPE); surgical equipment and supplies; laboratory chemicals and equipment; consumables tulad ng alcohol, sanitizers, tissue, thermometers at cleaning materials; testing kits; at iba pang supplies o equipment na tinukoy naman ng Department of Health (DOH).

Facebook Comments