Aarangkada na sa Lunes, October 7, ang school-based nationwide vaccination program ng Department of Health (DOH).
Ayon kay DOH – Health Promotion Bureau Head Dr. Rominic Maddumba, ilulunsad ang “Bakuna-Eskwela” sa mga pampulikong paaralan sa buong bansa kung saan tuturukan ng bakuna kontra tigdas, rubella, cervical cancer, tetanus, at diphtheria ang mga mag-aaral sa Grade 1, 4, at 7.
Layon aniya ng pagbabakuna na mabigyan ng proteksyon ang mga kabataan laban sa vaccine-preventable diseases.
“Ito ay para sa mga batang nag-aaral sa pampublikong paaralan. For Grades 1 and 7, ang makukuhang bakuna ay measles-diphtheria and tetanus-diphtheria; sa mga Grade 4 na babae, ang bakuna nila ay laban sa human papillomavirus (HPV) na laban sa human papillomavirus at cervical cancer,” ani Dr. Maddumba.
Nilinaw naman ni Maddumba na hindi mandatory ang pagbabakuna.
May sasagutan aniyang consent form ang mga magulang para masigurong may pahintulot nila na mabakunahan ang kanilang mga anak.
Katuwang ang Department of Education (DepEd) ay ipaiintindi aniya nila sa mga magulang ang kahalagahan ng pagbabakuna.
Isasagawa ang immunization program hanggang sa Nobyembre.