Tiniyak ng Malacañang na “nakataga sa bato” ang pagdating ng COVID-19 vaccines na donasyon ng China.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, aabot sa 600,000 doses ng Sinovac vaccines ay darating sa bansa sa February 23.
Ang vaccine supply na donasyon ng Chinese government ay dapat magkaroon ng drug regulatory approval bago ito ipamahagi sa mga benepisyaryo.
Matatandaang nag-alok ang China na magdo-donate ng kalahating milyong doses ng bakuna sa Pilipinas bilang bahagi ng commitment ni Chinese President Xi Jinping kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod sa bakuna ng China, umaasa ang pamahalaan na darating ang initial shipment ng bakuna sa ilalim ng COVAX facility ay darating ngayong buwan.
Sinabi ni Roque na ang Pfizer vaccines sa ilalim ng COVAX facility ay maaaring dumating sa bansa bago ang February 23, pero wala pang eksaktong petsa para dito.
Mayroong COVID-19 vaccine supplies ang Pilipinas sa ilalim ng ‘term sheet’ na nilagdaan ng pamahalaan at ng manufacturers.
Ang mga term sheets ay ikinokonsiderang “perfected contract,” habang ang contract of sale ay pipirmahan kapag handa na ang vaccine supplies.
Sa ilalim ng timetable ng pamahalaan, target mabakunahan ang nasa 70 milyong Pilipino ngayong taon.