Cauayan City, Isabela- Inilunsad ngayong araw, Oktubre 15, 2021 ng Department of Health (DOH) region 2 ang Community-Based Immunization bilang hakbang na mabigyan ng proteksyon ang mga bata laban sa anumang sakit.
Sa naganap na virtual launching, inihayag ni DOH-2 Asst. Regional Director Faith Alberto na mayroong 46,627 ang ‘unvaccinated children’ sa region 2 simula noong 2019 dahil sa kinakaharap na pandemya.
Aniya, ang taunang school-based immunization program ng gobyerno ay pansamantalang naantala dahil sa ipinatupad na no face-to-face classes region wide.
Subalit ayon kay ARD Alberto na mabibisita na nila sa komunidad ang mga batang hindi pa nabakunahan.
Samantala, inihayag naman ni Tuguegarao City Health Officer Dr. James Guzman na nakagawa na sila ng sistema kung paano ang pakikipag-ugnayan sa mahigit 2,000 unvaccinated children sa lungsod.
Maglalatag aniya sila ng schedule kada barangay at purok upang masiguro ang kaligtasan ng mga bata sa pagtanggap ng MMR and tetanus toxoid vaccines.
Kabilang sa mga inisyal na nabakunahan laban sa measles at tetanus toxoid ay mga batang mag-aaral mula sa Carig, Tuguegarao City.
Hinikayat naman ng DOH ang mga magulang at guardian ng batang edad 6 hanggang 7 at 12-13 na payagan ang kanilang mga anak na mabakunahan kontra measles, mumps, rubella at Tetanus Toxoid vaccines sa kanilang mga health units na magsisimula ngayong buwan ng Oktubre hanggang Disyembre.