Bakuna laban sa COVID-19, posibleng sa July 2021 pa magkaroon ayon sa DOST

Posibleng sa Hulyo 2021 pa magkaroon ang Pilipinas ng bakuna para sa COVID-19.

Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Rowena Guevarra, magsisimula pa lang sa pagsasagawa ng clinical trials sa apat o limang bakuna sa higit 200 Pilipino sa Setyembre.

Bahagi ito ng solidarity trials na pinamumunuan ng World Health Organization (WHO).


Dagdag ni Guevarra, mahalagang masubukan muna ang mga bakuna sa mga piling indibidwal para matiyak na mabisa at ligtas itong ibigay sa nakararami.

Kailangan din munang aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang bakuna at susuriin din ito ng ethics review board ng pamahalaan.

Tiniyak ng DOST na uunahing bigyan ng libreng bakuna kontra COVID-19 ang mga frontliner at pinakamahihirap na senior citizen.

Bukod sa solidarity trials, sumali rin ang Pilipinas sa pandaigdigang proyekto ng WHO na COVAX Facility, na magagarantiya na mabibigyan ang bansa ng bakuna kontra COVID-19 para sa 3% ng populasyon ng bansa.

Nauna nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na umaasa siyang babalik na sa normal ang sitwasyon sa bansa sa Disyembre kapag nabigyan ng COVID-19 vaccine ng China ang Pilipinas.

Facebook Comments