
Tiniyak ng Department of Health o DOH na bukas pa rin ang mga lokal na Health Centers sa bansa, para mag-alok ng libreng bakuna laban sa Polio.
Ito ay kahit natapos na ang unang bugso ng Synchronized Polio Vaccination Campaign ng DOH na “Sabayang Patak Kontra Polio” na isinagawa sa maraming probinsya sa Pilipinas.
Ayon kay DOH Undersecretary Eric Domingo, ang mga magulang ay maaari pang ring dalhin ang kanilang mga anak sa pinaka-malapit na Health Center sa kani-kanilang lugar upang mapatakan ng Oral Polio Vaccine o OPV ang mga bata.
Sinabi ni Domingo na ang mga batang limang taong gulang pababa na hindi pa nakatatanggap ng OPV ay kailangang mapatakan.
Nagsimula ang kampanya noong October 14 at natapos sa October 27, pero inaasahan na muling aarangkada sa Nobyembre at Disyembre.
Batay sa DOH, sa November 25 hanggang December 7, 2019 ay nakatakda ang Sabayang Patak Kontra Polio sa buong Mindanao Region at National Capital Region.
Mayroon ding Immunization Schedule sa January 6 hanggang 18, 2020, sa mga lalawigan sa Mindanao.