Bakuna ng AstraZeneca, 22% lang ang efficacy rate laban sa South African variant; Pagpapatupad ng travel ban sa South Africa, inirekomenda

Kasabay ng inaasahang COVID-19 vaccine roll-out ngayong buwan, inirekomenda ni dating COVID-19 Task Force Adviser Dr. Anthony Leachon sa pamahalaan na pansamantalang magpatupad ng travel ban sa South Africa.

Kasunod na rin ito ng nangyaring pagpapahinto kahapon ng clinical trial ng AstraZeneca sa South Africa matapos na matuklasan na hindi epektibo o nasa 22% lang ang efficacy rate ng kanilang bakuna laban sa South African variant.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Leachon na dapat maghigpit ang pamahalaan upang hindi makapasok sa bansa ang South African variant lalo na’t napatunayan na hindi epektibo ang bakuna ng AstraZeneca laban sa nasabing strain.


Katwiran pa ni Leachon, karamihan sa mga Local Government Units (LGUs) sa bansa ay AstraZeneca ang biniling bakuna kung saan posibleng itong masayang kung hindi maghihigpit ang pamahalaan.

Sa ngayon ay nasa lima ang bagong strain ng COVID-19 na kumakalat sa buong mundo kung saan tanging ang UK variant pa lang ang nakapasok sa Pilipinas.

Facebook Comments