Hindi pa mabibigyan ng approval mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang COVID-19 vaccine na gawa ng British firm na AstraZeneca at Oxford University kung hindi pa ito nakakalusot sa Vaccine Experts Panel (VEP) ng pamahalaan.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bukod sa experts panel ay kailangan ding aprubado ang bakuna ng Ethics Board para maka-abante sa FDA process.
Paglilinaw naman ni Vergeire na hindi nagba-bypass ang AstraZeneca sa anumang regulatory process lalo na ang mga requirements ay itinakda ng VEP at Ethics Board.
Una nang sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na nire-review ng VEP ang Phase 1 at 2 ng clinical trials ng candidate vaccine, habang ine-evaluate ng Ethics Board ang pagpili ng mga sasali sa clinical trials.
Bago ito, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order na nagbibigay sa FDA ng Emergency Use Authorization (EUA) para sa COVID-19 vaccines.