Inaasahang darating na sa Pilipinas ngayong linggo (February 28) ang bakuna ng Chinese pharmaceutical firm na Sinovac na gagamitin ng bansa kontra COVID-19.
Ito ay matapos mabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ang Sinovac ng Food and Drug Administration (FDA).
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, pinaplano na ng mga opisyal ng pamahalaan kung paano sasalubungin ang mga bakuna.
Ang Sinovac ay epektibo ng 65.3% hanggang 91.2% ngunit 50.4% lamang sa health workers na may exposure sa COVID-19.
Kasabay nito, inihayag ng pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) na handa silang tanggapin ang anumang bakunang darating sa bansa.
Paliwanag ni PGH Hospital Director Dr. Gerardo Legaspi, naniniwala siyang hangga’t may EUA mula sa FDA ay masisiguro nilang ligtas at epektibo ang mga bakuna kontra COVID-19.
Matatandaang batay sa isang survey, umabot sa 94 percent ng mga empleyado ng PGH ang nagpahayag ng kagustuhan na maturukan ng bakuna na higit na mas malaki kumpara sa inisyal na 75 percent na naitala.