Bakuna ng Pfizer-BioNTech, binigyan ng emergency validation ng WHO

Binigyan ng World Health Organization (WHO) ng emergency validation ang Pfizer-BioNTech vaccine.

Sa pamamagitan nito, mabilis na maaprubahan ang import at distribution nito sa iba’t ibang bansa.

Ang Pfizer-BioNTech ang kauna-unahang bakuna na nakatanggap ng emergency validation mula nang magkaroon ng outbreak ng COVID-19 sa China.


Ayon kay WHO Official Mariangela Simao, mahalagang hakbang ito para matiyak ang global access ng COVID-19 vaccines.

Pero binigyang-diin ni Simao na kailangang paigtingin ang kooperasyon ng mga bansa para makamit ang sapat na supply ng bakuna at maabot ang pangangailangan ng mga prayoridad na populasyon.

Ang emergency use listing ay nagbibigay daan sa mga regulators mula sa iba’t ibang bansa na aprubahan ang pag-aangkat at pamamahagi ng bakuna.

Mahalaga rin ang papel ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) sa distribusyon ng Anti-COVID vaccines, at ang Pan American Health Organization para sa pagbili ng mga bakuna sa mga bansang nangangailangan nito.

Lumalabas sa review ng WHO na ang bakuna ng Pfizer-BioNTech ay nakapasa sa criteria para sa safety at efficacy na itinakda ng international organization .

Matatandaang naglunsad ang Britain ng kanilang inoculation drive sa US-German vaccine nitong December 8 kasama ang Estados Unidos, Canada at mga bansa sa European Union.

Kaugnay nito, ikinalugod ni Health Secretary Francisco Duque III ang development na ito dahil mas madali na sa Food and Drug Administration (FDA) na i-review ang lahat ng dokumento at i-assess ang risk-benefit ratio ng nasabing bakuna.

Facebook Comments