Bakuna ng Sinopharm, mas nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na iturok sa kanya at kanyang pamilya

Mas nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na Sinopharm ang bakunang iturok sa kanya at sa kanyang pamilya.

Ito ang sinabi ng veteran columnist at Special Envoy for Public Diplomacy to China Ramon Tulfo kasabay ng pag-aming nabakunahan na siya kontra COVID-19.

Sa interview ng RMN Manila, ikinuwento ni Tulfo na nakausap mismo ni Pangulong Duterte ang local representative ng Sinopharm sa Pilipinas kung saan siya nag-request ng bakuna.


Nakarating pa aniya ang request sa Ministry of Foreign Affairs ng China at nagbigay ng ‘go signal’ para mapadalhan ng vaccine sample ang Pangulo pero pinigilan siya ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez upang makaiwas na rin sa kontrobersya.

“Sabi ni Pangulo sa akin, Mon, gusto kong magpaturok ng Sinopharm vaccine kaya ipinasa ko yung telepono sa kanya, yung representative dito, nag-usap lang sila e. sabi niya, gusto kong magpaturok at pamilya ko, kung kinakailangan e, susulat ako,” ani Tulfo sa panayam ng RMN Manila.

“In fact, sabi sakin ng representative dito na si John Boja, nakipag-contact sila sa China at yung request ng Pangulo ay umabot doon sa Ministry of Foreign Affairs ng China at yung si Minister Wang Yi mismo ang nagsabing padalhan. Pero nadismaya sila dahil sabi ni Secretary Galvez e hindi pwede,” dagdag niya.

Nabatid na wala pang Emergency Use Authorization (EUA) ang Sinopharm na kailangan para legal itong magamit sa Pilipinas.

Samantala, kinumpirma rin ni Tulfo na iisa ang source ng bakunang itinurok sa kanya at sa Presidential Security Group (PSG).

Sikreto siyang nagpabakuna noong Oktubre kasabay ang ilang hindi niya pinangalanang opisyal ng pamahalaan.

Depensa ni Tulfo, nabigyan siya ng bakuna dahil nag-apply siyang maging distributor ng Sinopharm sa Pilipinas.

“Ang akin kasi, gusto ko maturukan para malaman ko yung efficacy e kasi di ba, nag-a-apply ako for distribution doon sa pharmaceutical company. Tinanong nga ako baka may conflict of interest sabi ko, anong conflict of interest ang sinasabi ninyo, sabi kasi e ambassador daw ako. Sabi ko, special envoy lang yan e, one peso a year yan,” paliwanag niya.

Facebook Comments