Mas ligtas umano ang mga kabataan kung dadalhin sa mga community-based centers ang pagbabakuna sa mga ito sa halip na sa mga hospital.
Ito ang apela ni dating Cong. at ngayon ay Quezon City Second District Councilor Winnie Castelo kasunod ng pag-arangkada ng pagbabakuna laban sa COVID-19 sa mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17 anyos dito sa Metro Manila.
Sabi ni Counc. Castelo, batid naman ng Department of Health o DOH, maging ng Inter-Agency Task Force (IATF) na ikinukunsiderang high-risk areas ang mga hospital na maaring maghatid ng pagkahawa sa impeksyon ang mga kabataan.
Kung sa komunidad mismo aniya gagawin ang vaccination ay mas marami pang mababakunahang mga bata.
Bukod dito, ani Castelo, mas makakahikayat pa ng mga volunteer doctor at health workers dahil sa komunidad na rin mismo manggagaling ang mga ito.
Matatandaang sa malalaking hospital unang isinagawa ang pagbabakuna sa mga kabataan noong nakalipas na October 15 kabilang na rito ang Philippine Children’s Medical Center, Philippine Heart Center, National Children’s Hospital at iba pa.