Dumagsa ang mga tao sa Araneta Center ngayong umaga na nagbabaka-sakaling mabakunahan laban sa COVID-19.
Ito ay dahil sa isang Facebook post kung saan nakasaad na tumatanggap ng wal-in ang nasabing vaccine site.
Paglilinaw ni Ma. Margarita Santos, miyembro ng Quezon City Task Force Vax to Normal, fake news ang nasabing Facebook post.
Aniya, ang pinapapunta lamang sa Araneta Center ay ang mga kabilang sa Quick Substitute List (QSL) na mga pre-registered din at may koordinasyon sa barangay.
Rumesponde na sa bakunahan ang Quezon City Task Force Disiplina para pauwiin ang mga hindi naka-schedule ngayong araw at makontrol ang pagdami pa ng mga tao. Tiniyak naman ni Santos na mananagot ang nagpapakalat ng fake news para guluhin ang COVID-19 vaccination program ng Quezon City.