Nilinaw ng Malacañang na tuloy-tuloy lamang ang pagbabakuna sa mga residente ng National Capital Region (NCR) laban sa COVID-19 kahit pa ipasasailalim ito sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula August 6 hanggang 20.
Ito ay kabilang pa rin sa mga hakbang ng pamahalaan laban sa COVID-19 lalo na ngayong mayroon nang Delta variant ng virus sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, maglalabas ng regulasyon ang pamahalaan kaugnay sa pagbabakuna sa ilalim ng ECQ.
Sa ganitong paraan, maiiwasang ang pagdagsa ng publiko sa mga vaccination facilities.
Samantala, kukumpirmahin pa rin ng Palasyo kung magkakaroon pa ng public transportation para sa essential workers kapag napasailalim na sa ECQ ang NCR.
Sa ngayon, ang tiyak ay mayroong public transportation hanggang August 5, 2021 o hanggang sa Huwebes.
Inaasahang maglalabas ng guidelines hinggil dito ang DOTr (Department of Transportation).