Tiniyak ni former Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Benito Atienza na sapat ang suplay ng mga bakuna para sa pagtuturok ng booster dose sa mga batang edad 12 hanggang 17 years old.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Atienza na tanging Pfizer vaccine lamang ang maaaring gamitin bilang booster sa nabanggit na age group dahil iba ang formulation na ginagamit dito.
Matatandaang kahapon, umarangkada na ang pagbibigay ng 1st booster shot sa mga immunocompromised 12 hanggang 17 years old sa ilang mga piling ospital.
Susundan naman ito ng iba pang 12 hanggang 17 years old sa mga susunod na araw pero dapat limang buwan ang pagitan mula nang sila ay ma-fully vaccinate kumpara sa immunocompromised na 28 days lamang ang interval.
Kasunod nito, hinikayat ni Dr. Atienza ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak bilang karagdagang proteksyon laban sa COVID-19 lalo na’t sinabi ng Department of Education na posibleng 100% face-to-face na ang pagpasok ng mga estudyante sa susunod na pasukan.