Bakunang ginamit sa mga sundalo, ‘smuggled’ ayon kay Sec. Lorenzana

Ibinunyag naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang mga hindi rehistradong COVID-19 vaccines na ginamit sa ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ay ipinuslit lamang sa Pilipinas.

Ayon kay Lorenzana, ‘smuggled’ ang mga bakuna at walang awtorisasyon para ipasok sa bansa.

Tanging ang gobyerno lamang ang maaring magbigay ng awtorisasyon sa pamamagitan ng Food and Drug Administration (FDA).


Alam din ni Lorenzana ang pagpapabakuna ng ilang sundalo bago pa man ito isapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero iginiit ni Lorenzana na hindi niya alam kung sino ang nagbigay ng ‘go’ signal para gawin ang vaccination.

Hindi rin dapat madismaya at magtampo ang mga health workers at maramdamang napag-iwanan sila lalo na at nasa halos 300 sundalo lamang ang nabigyan ng bakuna na nangangahulugang hindi sapat ang supply para sa lahat ng medical frontliners.

Sinisikap ng pamahalaan lalo na ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr na makabili ng 50 milyong COVID-19 vaccines para mabakunahan ang lahat ng medical workers, mahihirap na Pilipino at iba pang ipaprayoridad sa vaccination program.

Ang pahayag ng kalihim taliwas sa sinabi ni PSG Chief Brigadier General Jesus Durante III at Presidential Spokesperson Harry Roquye na ang mga bakuna ay ‘tokens’ at ‘donasyon’ lamang.

Facebook Comments