Nananawagan si Sen. Joel Villanueva na magpatupad ang Department of Health (DOH) ng “No Return Policy” o hindi na pagbyahe pa muli sa mga bakunang hindi nagamit.
Giit ni Villanueva, mainam na payagan ang mga local health executives sa mga syudad at probinsya na ibigay ang mga bakuna sa susunod na priority groups kung tapos na ang healthcare frontliners.
Pahayag ito ni Villanueva kasunod ng report na iniutos umano ng DOH na ibiyahe sa mga lugar na maraming kaso ng COVID-19 ang kalahati sa 30,000 doses ng AstraZeneca vaccines na hindi nagamit para sa mga health worker sa Central Visayas.
Paliwanag ni Villanueva, marami tayong isla dahil hindi naman tayo isang landmass na pwedeng isakay mo ito kaagad sa truck kaya gagastos at malaking abala kung ikakarga ulit sa eroplano ang mga bakuna para ilipat sa ibang lugar.
Diin ni Villanueva, kung anuman ang matira sa allocation ng bakuna sa isang lugar, ay siguradong may pagbibigyan nito basta sundin lang ang priority groups.
Binanggit ni Villanueva, na kapag natapos bakunahan ang heqlthca workers sa isang lugar o Local Government Unit (LGU) ay maaari nang isunod ang nasa priority list na mga senior citizen at essential workers.