Marawi City – Libu-libo pa ring residente ng lungsod ng Marawi ang hindi nakababalik sa kanilang mga tahanan at patuloy na nangangailangan ng ayuda at atensiyon.
Ayon sa International Committee of the Red Cross o ICRC, ang mga nanunuluyan ngayon sa Lake Lanao na nagmula sa lugar ng Marawi kung saan malala ang giyera ay umaasa na lamang sa tulong ng kanilang mga kamag-anak, otoridad at mga organisasyon na nagkakaloob ng tulong.
Kamakailan ay nakapamahagi ang ICRC ng mga pagkain at mga personal na gamit sa libu-libong katao na nasa Lanao del Sur.
Mula Disyembre 13 hanggang 15, magkatuwang ang ICRC at Philippine Red Cross sa pagrarasyon ng kalahating buwang supplies ng 16,500 na residente mula sa 5 munisipalidad ng Lanao del Sur.
Bawat pamilya ay tumanggap ng 25 kilo ng bigas, isang litro ng toyo, isang litrong mantika, 12 de lata, isang kilong asukal, kalahating kilong asin, dalawang jerry can na maaaring lagyan ng hanggang 20 litro ng tubig at mga personal hygiene items.
Kaugnay nito, tiniyak ni ICRC delegate Meher Khatcherian na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga otoridad, sundalo at mga NGO sa lugar upang maintindihan ang kanilang ginagawa at payagan silang makapagdala ng relief goods sa mga apektado ng giyera.