Mariing itinanggi ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga 2nd District Representative Gloria Macapagal na nagpaplano siya ng kudeta o hakbang para mapatalsik si House Speaker Martin Romualdez upang makuha ang liderato ng Kamara.
Ayon kay Congresswoman Arroyo huwag sanang pagdudahan o kulayan ang kanyang mga aksyon tulad ng pagtungo nya kamakailan sa Korea kasama ang ilang mga mambabatas gayundin ang kanyang pagsisikap na maibsan ang tensyon sa pagitan ng Amerika at China.
Paglilinaw ni Arroyo, tatlo lang ang kanyang layunin na kinabibilangan ng pagkatawan sa ikalawang distrito ng Pampanga, pagsuporta sa legislative agenda ni Speaker Romualdez at Panulong Bongbong Marcos at ang pagtulong gamit ang kanyang karanasan bilang dating pangulo.
Diin ni Arroyo, wala siyang balak makisawsaw sa anumang pamumulitika na maaaring makasira sa panawagang ‘unity’ ni Pangulong Marcos Jr. dahil mas dapat nilang tutukan ang trabaho sa halip na mamulitika.
Kasabay nito ay binati rin ni Arroyo si Pampanga 3rd District Representative Aurelio ‘Dong’ Gonzales Jr., na ipinalit sa kanya bilang senior deputy speaker.
Nanawagan din si Arroyo sa kaniyang mga kasamahan sa Lakas-CMD na suportahan ang liderato ni Romualdez na siyang presidente rin ng kanilang partido.