Balak na pagpapatupad ng zero tariff sa imported na bigas, magdudulot ng kalamidad sa mga lokal na magsasaka – Sen. Hontiveros

Nagbabala si Senator Risa Hontiveros na isang disaster o kalamidad na sasalanta sa mga lokal na magsasaka ang balak ng ehekutibo na magpatupad ng zero tariff para sa mga imported na bigas.

Sa rekomendasyon ng Department of Finance, mula sa 35 percent ay gagawing zero o walang buwis o kaya ay hanggang 10 percent lang ang buwis sa importasyon ng bigas.

Umaasa si Hontiveros na hindi ikagugulat ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang pagdagsa sa bansa ng mga imported ng bigas ngayong magsisimula na ang wet season harvest.


Batid aniya ng Department of Agriculture na hindi dapat buksan ang floodgates ng importasyon sa panahon ng anihan dahil kung hindi ay matatalo rito ang mga local farmers.

Nalilito na rin ang senadora dahil ang mungkahing alisan o babaan ng taripa ang rice importation ay taliwas sa gagawin ng gobyerno na “government-to-government trade” sa pag-i-import ng bigas sa pagitan ng Vietnam.

Salungat aniya ang layunin ng dalawang proposal dahil ang government-to-government rice importation ay pwedeng magtulak sa maraming rice importers na tumigil na sa negosyo na taliwas sa zero-tariff proposal na humihikayat naman sa mga rice importers na mag-negosyo.

Tanong tuloy ng senadora, kung wala bang group chat, nagkakagulatan o nag-aaway ba ang mga taga-gobyerno dahil sa nagbabanggaan mga plano.

Kung si Hontiveros ang tatanungin, mas nais nitong tulungan na lang ang National Food Authority na ipagamit ang P7 billion na budget ngayong taon para pambili ng bigas sa mga local farmers upang may sapat na imbak na suplay hanggang sa susunod na lean season.

Facebook Comments