Umapela ngayon ang Kamara at Senado sa Philippine Health Insurance Corporations o PhilHealth na mas tutukan ang primary care benefits expansion at ituloy ang implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law.
Ito ay kasunod ng rekomendasyon ng PhilHealth sa joint oversight committee hearing ng Kamara at Senado na i-delay muna ang pagpapatupad ng UHC at ipagpaliban ang implementasyon ng primary care benefits expansion.
Katwiran ni PhilHealth President and CEO Ricardo Morales, nasa 10% lamang ang koleksyon nila noong nakaraang taon na sinabayan pa ng COVID-19 ngayon.
Hindi rin ‘significant’ ang koleksyon ngayon sa mga direct contributors dahil sa nagsara ang maraming negosyo kaya inirerekomenda muna nila ang ‘general delay’ sa UHC at postponement sa primary care benefits.
Pero, umalma si House Committee on Health Chair Angelina Tan dahil sa nangyayari ngayon sa COVID-19 pandemic ay higit na kailangang mas paigtingin pa ang implementasyon ng primary care services.
Paliwanag ni Tan, bilang doktor din ay mas kailangang palakasin ang primary care services na tututok sa kalusugan ng mga tao dahil magreresulta ito sa pagbawas ng bilang ng mga ma-o-ospital lalo na sa panahon ng pandemya.
Sinuportahan naman ni Senator Risa Hontiveros, isa sa may akda ng UHC, ang posisyon ni Tan at sinabing hindi hamak na mas makakatipid ang gobyerno sa primary care kumpara sa tertiary care lalo na sa panahon ngayon ng health crisis.
Dagdag pa ni Hontiveros, kung gagastos lang naman din ang pamahalaan ay mas wais kung mas paglalaanan ang primary care services upang maiwasan na mauwi sa seryoso at malubha ang isang sakit.