Balakid sa pagpapalabas ng fuel subsidy para sa transportation at agriculture sector, dapat agad resolbahin

Pinapaplantsa na ni Senador Imee Marcos sa pamahalaan ang mga natitirang balakid sa agarang paglalabas ng fuel subsidy sa sektor ng transportasyon at agrikultura, kasunod ng pagsirit ng presyo ng langis sa $100 kada bariles.

Babala ni Marcos, lalo pang sisirit ang presyo ng krudo at gas sa world market at mas magmamahal ang lokal na mga gasolina matapos bombahin ng Russia ang Ukraine at kung iipitin ng ibang bansa ang mga ini-export na langis ng Russia.

Dahil dito, iginiit ni Marcos na isapinal agad ang implementing rules and regulations para sa paglalabas ng P500 million na fuel subsidy sa mga magsasaka at mga mangingisda.


Hiling ni Marcos sa Department of Budget and Management (DBM), huwag nang hintayin pa ang Abril at ilabas na agad ang mga ayuda o subsidiya para sa mga driver ng public utility vehicles, mga taxi, mga tricycle at mga delivery driver.

Sa ilalim ng Special Provision No. 8 ng 2022 General Appropriations Act, pwedeng maglabas ang gobyerno ng P2.5 billion na pang-fuel subsidy para sa sektor ng transportasyon kapagpumalo ang “average” na presyo ng krudo ng Dubai sa $80 kada bariles sa loob ng tatlong buwan.

Pero sinabi ni Presidential Spokesman Karlo Nograles, hindi pa nakapagdesisyon ang DBM kung paano intindihin ang tatlong-buwang itinakdang panahon na magbibigay-hudyat sa paglalabas ng mga nasabing subsidiya.

Facebook Comments