Balanse sa interes ng mga manggagawa at employer, dapat isaalang-alang sa pagsusulong ng dagdag na sahod

Hiniling ni Senator Jinggoy Estrada na magkaroon ng balanse sa isinusulong na dagdag na sahod.

Matatandaang kamakailan ay inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang panukalang P150 na dagdag sa daily minimum wage ng mga empleyado sa pribadong sektor sa buong bansa.

Ayon kay Estrada, bagama’t sang-ayon siya sa dagdag na sahod, nakaka-isang taon pa lang mula nang magbukas ang ekonomiya matapos ang dalawang taong paghihigpit dahil sa COVID-19 pandemic.


Sa kabila aniya ng inaasahang matatag na pagbangon ng ekonomiya, patuloy pa rin ang mga hamon para makabalik ang bansa sa pre-pandemic levels.

Para kay Estrada, dahil sa kasalukuyang sitwasyon ay kailangang timbangin at balansehin ang interes sa pagitan ng mga manggagawa at mga employer na nahirapan din dahil sa epekto ng pandemya.

Tinukoy ng senador na ang backbone ng ekonomiya ng bansa na Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) ay binubuo ng 95 percent ng mga negosyo sa bansa ang siyang pinakatamaan ng epekto ng global health crisis.

Giit ni Estrada, higit sa usapin ng dagdag na sahod ay dapat isaalang-alang din ang job security na kinakailangan ngayon ng mas maraming manggagawa.

Kaya naman pinayuhan niyang balansehin ang pangangailangan ng mga empleyado at ang kapasidad o kakayahan ng mga employers upang matiyak ang job preservation at job creation sa bansa.

Facebook Comments