Umaasa si Senate President Pro Tempore Loren Legarda na magbubunga ng isang balanseng relasyon sa pagitan ng China at Pilipinas ang naging state visit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Legarda, ang katatapos lamang na pagbisita ng pangulo sa China at ang inaasahang state visit nito sa Estados Unidos sa kalagitnaan ng taon ay nagpapakita ng malinaw na hudyat kung gaano kahalaga na magkaroon ng pagkakasundo ang mga bansa.
Kaya naman, umaasa si Legarda na ang mga hakbang na ito ay makapagdadala ng katiyakan sa kapakanan ng ating mga mangingisda sa teritoryo gayundin sa kinakailangang balanseng ugnayan ng Pilipinas at China.
Ikinalugod din ng senadora na napag-usapan ng dalawang lider ng bansa sa ginanap na state visit sa China ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang arbitration ruling, kung saan dapat itong maipagpatuloy at maging batayan sa bagong relasyon ng dalawang bansa.
Naniniwala pa si Legarda na sa gitna ng nagbabagong geopolitical conditions ay kinakailangan makahanap ng ibang mga pamamaraan para sa bukas na pakikipag-usap na hindi isinasakripisyo ang ating karapatan at benepisyo mula sa ating yaman.