Wala umanong dahilan para bumaba ang moral ng mga sundalo kaugnay na rin sa magkakasunod na balasahan sa liderato ng Department of National Defense (DND) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ang iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel matapos na palitan si Lieutenant General Bartolome Bacarro ni General Andres Centino bilang AFP Chief-of-Staff na sinundan ng pagbibitiw naman ni DND Officer-in-Charge Jose Faustino Jr., na pinalitan naman ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez Jr., bilang kalihim ng DND.
Ayon kay Pimentel, walang rason para magdulot ng pagbaba ng moral ng mga sundalo ang mga pagbabagong ito.
Katunayan, dati pa naman aniya ay madalas na ang mga balasahan sa pamumuno lalo na sa AFP na tinatawag ngang “revolving door”.
Magkagayunman, umaasa si Pimentel na wala naman sanang seryosong dahilan ang mga nangyayaring developments sa hukbong sandatahan at sa DND.
Nagbigay din ng reaksyon si dating Senador Ping Lacson sa usapin at aniya’y hindi naman ito sorpresang hakbang dahil ang balasahan ay nakasanayan naman na sa AFP.
Pagtitiyak pa ng dating PNP Chief, binubuo ang AFP ng mga professional officers na tapat sa bandila at sa Konstitusyon at ito ay higit pa kumpara sa kanilang mga indibidwal na kagustuhan.