Manila, Philippines – Nagbanta ang minorya sa Kamara ng ‘zero’ budget sa Bureau of Customs kung hindi magkakaroon ng balasahan matapos na palusutin ang P6.4 bilyong halaga ng shabu.
Giit ni House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez, ang rigodon ay dapat na simulan sa pagbibitiw ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Nakakahiya aniya na ang BOC na responsable sa mga pumapasok na produkto sa bansa ay nalusutan ng iligal na droga.
Hinamon din ni Suarez na pangalanan ni Faeldon ang sinasabi niyang mga kongresista na humihingi ng pabor para sa mga kargamento na dumaraan sa kanilang ahensya gayundin ang pambabraso umano sa promotions sa board ng BOC.
Puna naman ni Buhay Rep. Lito Atienza na napapatay ang mga drug pusher na nahuhulihan ng maliliit na halaga ng shabu samantalang nakalulusot sa BOC ang daan-daang kilo.