Manila, Philippines – Kusang loob na sumuko sa militar ang limang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu at Tawi-Tawi kahapon.
Ayon kay AFP Western Mindanao Command Spokesperson Captain Jo-ann Petinglay, sumuko ang mga terorista sa tauhan ng AFP Joint Task Force.
Kinilala ang mga ito na sina Kadra Arajun Sawadjaan, Alnajar Arajun Sawadjaan, at Sherul Arad Sahiyul na sumuko sa Sulu habang sina Jun Hassan, at Titing Alihassan alyas Panday, mga taga Sitangkai, Tawi-Tawi na sumuko rin sa Tawi-Tawi.
Isinuko rin ng mga terorista ang kanilang mga armas kabilang na ang isang M16 rifle, isang M1 Garand rifle, at isang short magazine para M16 rifle na may 22 pirasong ammunition para sa Caliber 5.56mm.
Sa ngayon 164 na miyembro ng ASG na ang sumuko sa Westmincom simula noong January 2017.
Sa bilang na ito 72 ay sumuko sa Basilan, 57 ay sa Sulu, 33 sa Tawi-tawi at dalawa sa Zamboanga City.