Manila, Philippines – Dalawang daang at apatnapu’t isang mga dating rebelde ang makakasabay sa hapunan ni Pangulong Rodrigo Duterte bukas ng gabi sa palasyo ng Malacañang.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Eastern Mindanao Command Spokesperson Ezra Balagtey ang 241 na mga dating rebelde ay mula sa Compostela Province at Davao Del Norte.
Kinabibilangan ito ng 38 mga babaeng dating rebelde at 203 na mga lalaking rebel returnees.
Sila ay kasama ng 683 na mga dating miyembro ng New People’s Army na nagmula sa ibat ibang lugar sa Eastern Mindanao.
Bago ang hapunan bukas ipapasyal muna ang mga dating rebelde sa Luneta Park at Intramuros sa Maynila na sasamahan mismo ni AFP Chief of Staff General Rey Leonardo Guerrero.
Kaninang alas-9:00 ng umaga umalis sa Davao City International Airport ang mga dating rebelde patungo sa Maynila sakay ng dalawang Philippine Air Force C-130 Aircraft.
Layunin ng aktibidad na ito para sa mga dating rebelde ay upang tuluyang maiba ang kanilang pananaw sa buhay, nang sa ganun hindi na sila muli pang marecruit ng mga makakaliwang grupo.
Matatandaang una nang sumabay sa hapunan kay Pangulong Duterte at ipinasyal ang 215 ng mga former rebels nitong nakalipas na February 6 hanggang February 8, 2018.