Manila, Philippines – Matapos ang mahigit sa 30 oras na runway closure balik na sa normal ang operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay makaraang matanggal ang sumadsad na eroplano ng Xiamen airlines sa runway ng NAIA terminal 1 kaninang umaga.
Natanggal na rin ang mga heavy equipment na ginamit sa pagtanggal ng aircraft tulad ng crane, jack at mga sasakyan sa runway.
Nalinis na rin ang runway upang matiyak na walang maiiwang debris o foreign object sa runway na posibleng magdulot muli ng aberya sa pag-take off ng mga eroplano.
Dahil dito asahan nang unti-unting babalik sa normal ang byahe ng mga eroplano.
Matatandaang nagdulot ang insidente ng matinding abala sa mga pasahero dahil umabot sa sandamakmak ang mga na-delay, na-divert at nakanselang byahe ng eroplano mapa domestic man o international.
Kaninang 11:30 inanunsyo ng Manila International Airport Authority (MIAA) na bukas nang muli ang international runway 06/24 para sa flight operations.