BALIK ‘PINAS | 10 OFW mula sa bansang Kuwait, dumating na sa bansa

Manila, Philippines – Dumating na sa Pilipinas ang may sampu pang Overseas Filipino Workers mula sa bansang Kuwait.

Ayon sa Manila International Airport Authority Media Affairs Division, ang 10 mula sa isandaan at limampung OFWs ay dumating sa NAIA Terminal 1 sakay ng Philippine Airlines Flight PR-669 kaninang 7:53 ng umaga.

Walang sumalubong o sumundo na opisyal ng gobyerno at sa halip ay pinayuhan ng mga taga NAIA ang sampung balikbayan na magpunta na lamang sa OWWA office sa Pasay City.


Paglilinaw naman ng MIAA Media Affairs na hindi sila kasama sa ‘Mercy Flights’ ng gobyerno at gumastos ang mga ito ng sarili nilang pamasahe pabalik ng bansa.

Sa ngayon ayon sa Department of Foreign Affairs aabot na sa halos dalawang libo ang na-repatriate na mga Pinoy mula sa Kuwait kasunod ng implementasyon ng total deployment ban sa naturang Arab State dahil sa insidente ng pang-aabuso at pagpatay sa ilang Filipino workers.

Facebook Comments