Manila, Philippines – Dumating na sa bansa si Ricardo “Ardot” Parojinog, ang kapatid ng napatay na drug lord na si Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog Sr.
Alas-9:57 kagabi, lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang eroplanong sinakyan ni Parojinog na galing pang Taiwan kung saan sinalubong siya ni PNP Chief Oscar Albayalde at National Capital Region Police Office Chief Guillermo Eleazar.
Una nang naaresto si Parojinog sa Taiwan noong Mayo dahil sa illegal entry gamit ang pekeng pasaporte at nakulong siya ng dalawang buwan sa Pingtung Detention Center.
May arrest warrant si Ardot para sa kasong illegal possession of firearms na isinampa sa Department of Justice (DOJ) at bukod dito, may hiwalay na warrant of arrest din siya dahil naman sa kasong murder sa isang korte sa Ozamiz City.
Sinabi ni Albayalde na ngayong nakauwi na si Ardot, malalaman na nila kung sinu-sino ang mga kasabwat nito maging ang taong nasa likod para maka-alis siya ng bansa at kaniyang tiniyak na mananagot ang mga ito sa batas.
Pansamantala naman nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame si Ardot at sisiguraduhin ng NCRPO na nasa ligtas itong kalagayan habang todo higpit din ang gagawin nilang pagbabantay.