BALIK-PINAS | Balangiga bells, maibabalik na sa Pilipinas

Manila, Philippines – Maibabalik na sa Pilipinas ang Balangiga bells na kinuha ng mga sundalo ng Estados Unidos mula sa Balangiga, Eastern Samar noong 1901.

Ayon kay Dr. Rolando Borrinaga ng committee on historical research ng National Commission for Culture and The Arts (NCCA), sa November 15 sa Francis E. Warren Air Force base sa Cheyenne, Wyoming isasagawa ang isang seremonya bago ang pagbabalik ng dalawang kampana.

Aniya, maging ang ikatlong Balangiga bell na nasa isang museo na nakalaan para sa United States army sa South Korea ay nakahanda na ring ibalik sa bansa.


Sabi ni Borrinaga, ang pagbabalik ng mga kampana ay resulta ng pagsuporta ng mga US war veterans community tungkol sa usapin.

Bago ibyahe pabalik ng Pilipinas, isasaayos muna ang mga kampana.

Agosto ngayong taon nang lagdaan ni US Defense Secretary Jim Mattis ang dokumentong pumabor sa pagsasauli ng mga kampana.

Matatandaang mangilang beses na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ibalik ng pamahalaan ng Estados Unidos ang Balangiga bells sa Pilipinas dahil bahagi ito ng national heritage ng bansa.

Facebook Comments