Manila, Philippines – Balik bansa na ang 51 distressed OFWs na galing sa United Arab Emirates (UAE).
Ayon kay Charge D’affaires Rowena Pangilinan-Daquipil ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi, nagpunta sa UAE ang 51 OFWs bilang mga turista at nakakuha ng trabaho.
Gayunman, kinalaunan ay iniwan sila ng kanilang mga “sponsor” at ahensiya.
Aniya, naging biktima ng pagmamaltrato, pang-aabuso, at hindi nabayaran ng tamang sahod ang ilan sa 51 na mga OFW.
Sabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, umabot na 702 na mga OFW ang kabuuang bilang ng mga migranteng manggagawa na nakabalik sa bansa mula sa UAE ngayong taon.
Inasikaso aniya ng DFA ang pagpapabalik sa mga Pinoy, kabilang ang kanilang exit visas at airfare, pati na ang pag-uwi nila sa kani-kanilang probinsya gamit ang assistance to nationals fund.
Samantala, nagpatupad na ang UAE ng mga patakaran para mapangalagaan ang karapatan ng mga OFW doon.
Kasama rito ang paglilipat ng hurisdiksyon ng household service workers mula ministry of interior sa ministry of human resources and emiratization; pagbigay sa mga Filipino domestic workers ng kanilang karapatan sa dispute resolution; pagbubukas ng Tadbeer Centers na magsasagawa ng recruitment ng expatriate workers sa UAE; at pagsisiguro sa mga Pinoy na matatamasa nila ang proteksyong ipinatupad ng bagong UAE law for domestic workers.