Davao City – Nag-uwi si Pangulong Rodrigo Duterte ng 187.5 million US dollar investment sa bansa kasabay ng pagbisita niya sa 32nd ASEAN Summit.
Anim na Memorandum of Understanding (MOU) at apat na Letters of Intent (LOI) ang nilagdaan ng Pilipinas at Singapore na kayang makagawa ng halos 2,000 trabaho.
Sa kanyang talumpati, tiniyak ng Pangulong Duterte na walang mangyayaring korapsyon upang mahikayat pa ang mga negosyante na mamuhunan sa Pilipinas.
Nagpaalala pa ang Pangulo sa mga entrepreneur na magbayad ng tamang buwis para sa maayos na pagnenegosyo sa bansa.
Pero nagbabala aniya siya na bagamat wala na silang kahaharaping mabigat na problema sa Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR), ay posibleng magkaroon naman ng problema sa mga lokal na pamahalaan partikular sa pag-iisyu ng permit.
Pinayuhan din niya ang mga negosyante na huwag magpapatiklop sa anumang government officials na ang tanging habol lamang ay pera.