Naniniwala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na kailangang makamit ang kapayapaan sa mga probinsya pagkalipas ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, layunin nito na matiyak ang tagumpay ng panukalang ‘Balik Probinsya’ program ng pamahalaan.
Aniya, magagawa lamang ito kapag mapanatili na ang peace and order sa lahat ng lalawigan.
Ibig sabihin ng kalihim, tapusin na rin ang problema tungkol sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa lahat ng kanilang nasasakupan.
Isang paraan ito para mahikayat ang mga residente sa Metro Manila na magsiuwian sa kanilang lalawigan lalo pa’t gaganda na ang kalakalan at daloy ng pananalapi kapag natugunan ang problema.
Sabi pa ni Año, walang matinong investor ang maglalagak ng puhunan at negosyo sa mga lugar na walang tiyak na katahimikan at siguridad.
Una nang inihayag ni Secretary Año na suportado ng DILG ang programang Balik Probinsya upang mapaluwag ang Metro Manila kung saan may pinakamaraming kaso ng COVID-19 ang naitala.