Itinigil muna pansamantala ng National Housing Authority (NHA) ang Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NHA General Manager at Balik Probinsya Executive Director Marcelino Escalada na layunin nitong bigyang daan ang pagpapauwi sa mga turista, mga estudyante, Overseas Filipino Workers at construction workers na na-stranded sa Metro Manila ng halos tatlong buwan dahil sa ipinatupad ng Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Escalada, sa oras na mapauwi nang lahat ang mga locally stranded at kapag mayroon nang sapat na transportasyon ay tsaka sila ulit magpapauwi sa mga probinsya ng mga nag-avail ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program.
Ngayong araw, dapat makakabalik ng Leyte ang nasa higit isang daang (100) indibidwal para sa 2nd batch ng nasabing programa.
Kasunod nito, inanunsyo din ni Escalada na suspendido din ang Balik probinsya sa July 16, 2020 na patungong Camarines Sur at July 17, 2020 na patungo naman ng Zamboanga del Norte.
Paliwanag nito, nakadepende sa magiging desisyon ng Department of Transportation, Civil Aviation Authority of the Philippines at Inter-Agency Task Force ang pagpapauwi sa susunod na batch ng Balik Probinsya at maging sa kahandaan ng tatanggap na Local Government Unit ng mga magbabalik probinsya.
Posible ayon kay Escalada, na sa susunod na buwan o sa Hulyo na mag-resume ang operasyon ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program.