BALIK TANAW | Pag-alala sa nakaraan sa konsiyerto ng Boyzlife

Manila, Philippines – Sinariwa ng mga batang 90’s, titos at titas, at marami pang mga tagahanga na magkakaiba ang edad, mula sa Pilipinas at ibang bansa, ang musika ng dalawa sa mga bandang namayagpag sa industriya noong kapanahunan ng mga *boybands*—ang Boyzone at Westlife.

Pinagsama at tinawag na Boyzlife, hinarana nina Keith Duffy ng Boyzone at Brian McFadden, dating miyembro ng Westlife, ang mga fans sa Kia Theatre sa isang masayang concert na itinanghal ng Ovation Productions.

Sinimulan ang concert sa kanta ng Westlife, na “When You’re Looking Like That” at sinundan ng mga duet ng mga kanta ng parehong grupo. Kinanta nila ang “Picture of You,” “Words” “Baby Can I Hold You,” bersyon ng “Father and Son” at “You Needed Me,” “Love Me for a Reason,” “No Matter What,” at “A Different Beat” ng Boyzone. Para naman sa Westlife, kinanta nila ang “World of Our Own,” “Swear It Again,” bersyon ng “Mandy,” “If I Let You Go,” “Flying Without Wings,” at tinapos ang concert sa kantang “Uptown Girl.”


Nakipagbiruan sina Keith at Brian sa napakasiglang audience na ang ilan ay sumugod pa malapit sa stage.
Bumaba rin ang dalawa mula sa stage at nakisalamuha sa audience, at nabigyan ang fans ng mga pagkakataong makakuha ng selfie.

Bago matapos ang concert, umaasa ang fans na may susunod pang concert. Inanunsiyo ni Keith na ika-25 anibersaryo ng Boyzone sa susunod na taon at sana kasama sa tour nila ang Pilipinas. Sasama si Brian sa pinaplanong concert. Bagamat hindi inanunsyo sa concert, lubos ding umaasa ang mga fans sa reunion ng Westlife, lalo pa’t sinabi ni Louis Walsh, ang dating manager ng banda, sa RSVP Live Magazine na “a Westlife reunion is definitely going to happen…but I have no idea when.”
Sa ngayon, isang pangarap na natupad para sa ilan sa mga fans na makita ang dalawa. Gayundin, para kina Keith at Brian at mga audience, napaka-nostalgic ng concert at pagsariwa ito sa mga alaala ng kabataan at nakaraan.





Facebook Comments