Manila, Philippines – Naglibot si outgoing PNP Chief Police Director Ronald Bato Dela Rosa sa iba’t-ibang tanggapan ng PNP na naging makabuluhan sa kanyang termino bilang PNP Chief, kahapon bisperas ng kanyang pagbaba sa pwesto.
Sinabi ni Dela Rosa ang mga unit na ito ay naging source ng kanyang mga “highs and lows” sa kanyang isang taon at siyam na buwang panunungkulan bilang PNP Chief.
Kabilang dito ang Counter Intelligence Task Force, PNP Drug Enforcement Group na dating Anti-illegal Drugs Group at Caloocan PNP.
Una nang sinabi ni Dela Rosa na isa sa lowest points ng kanyang career ang pagkamatay ni Kian Lloyd Delos Santos na umano ay kinasangkutan ng mga pulis Caloocan na naging dahilan sa pagkakasibak sa buong pwersa ng Caloocan PNP.
Nagdulot din aniya ng matinding kahihiyan para sa kanya ang pagkakapatay sa Korean na si Jee Ick joo sa loob mismo ng Camp Crame ng mga tiwaling tauhan ng binuwag na PNP Anti-Illegal Drugs Group, na muntik nang naging dahilan ng kanyang pagbitiw sa pwesto.
Pero ang Jee Ick joo case naman ang naging dahilan ng pagkakatatag ng Counter intelligence task force, para tugising ang mga tiwaling pulis, na naging isa sa mga inspirasyon ng internal cleansing program ng PNP.
Si Dela Rosa ay nakatakdang bumaba sa pwesto ngayong araw kasabay ng pag-upo ng bagong PNP Chief na si Director Oscar Albayalde.