Balikatan exercise 2025, sasaksihan ni PBBM

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na dadalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Balikatan Exercise 2025.

Bagama’t hindi na idinetalye pa ni BGen. Michael Logico, Balikatan Spokesperson at Exercise Director kung anong eksaktong aktibidad ang dadaluhan ng pangulo, sinabi nito na interesado si PBBM sa Integrated Air Missile Defense.

Kasunod nito, inanunsyo ng Sandatahang Lakas na handang-handa na ang tropa para sa pagsasanay na nakatuon sa Northern at Western Luzon—lalo na sa West Philippine Sea.

Tinatayang nasa 14,000 tropa mula sa Pilipinas at Amerika ang makikibahagi sa pinakamalaking military drill ngayong taon na susubok sa full battle capabilities ng dalawang bansa.

Nakatakdang magsisimula ang Balikatan Exercise sa April 21 at tatagal hanggang May 9, 2025.

Una nang sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner na asahan na ang isang matinding “full battle test” sa nalalapit na Balikatan Exercise.

Facebook Comments