Balikatan exercise, hindi saklaw ang combat operations o pakikipaglaban sa ibang mga bansa ayon sa ilang senador

Ipinaliwanag ng mga senador na hindi saklaw ng Balikatan exercises ang pagresponde o pakikipaglaban sa ibang bansa.

Kaugnay na rin ito sa panibagong pambubully na ginawa ng China na pagwater cannon sa barko ng Pilipinas habang nagsasagawa ng military exercises ang mga sundalo ng bansa at ng Estados Unidos.

Ayon kay Senate Committee on National Defense Chairman Jinggoy Estrada, ang Balikatan ay hindi idinisenyo para sa combat operations laban sa ibang mga bansa at ang paggamit dito para mapigilan ang mga aksyon ng China ay labas sa saklaw na joint military drills.


Sinabi ni Senate special Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairman Francis Tolentino na iba ang misyon ng Balikatan at hindi para mamagitan sa gulo ng Pilipinas at China.

Paliwanag naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, ang layunin ng Balikatan exercises ay paghusayin pa ang interoperability ng ating defense system sa pagitan ng mga kaalyadong bansa.

Aniya pa, nagiging certified bully na ang China pero kahit anong gawin ng nasabing bansa ay hindi nito maiaalis ang sovereign rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Facebook Comments