Balikatan exercise, nagpapakita lamang ng pagkadepende ng Pilipinas sa US – CPP

Binatikos ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang pagsasagawa ng Pilipinas at Estados Unidos ng joint military exercises sa harap ng pagiging agresibo ng China sa West Philippines Sea.

Ayon kay CPP Information Officer Marco Valbuena, nagpapakita lamang ng ‘false notion’ ang Balikatan exercise dahil tila ang Estados Unidos lamang ang tanging opsyon ng Pilipinas para tumayo laban sa China.

Dahil sa pagkakadepende ng Pilipinas sa US, wala pa ring kakayahan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na depensahan ang sarili.


Bigo rin aniya ang Duterte Administration na bumuo ng komprehensibong plano para ipaglaban ang soberenya ng bansa sa West Philippines Sea (WPS).

Ang taunang Balikatan exercises ay nagpapakita lamang ng pagkontrol ng US sa military forces ng Pilipinas.

Una nang iginiit ni AFP Chief of Staff Lieutenant General Cirilito Sobejana na layunin ng joint military exercise na mapalakas ang military relationship at interoperability sa pagitan ng Pilipinas at US.

Bago ito, ipinatawag na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Chinese ambassador dahil sa presensya ng kanilang mga barko sa Julian Felipe Reef.

Facebook Comments